Ito ay matapos na kunin ng mga nasabing drug informer ang serbisyo ni Atty. Rey Bagatsing makaraang hindi pa nila makuha ang pera na ipinangako ng gobyerno na nararapat para sa kanila.
Inilapit ni Bagatsing ang nasabing kaso kay Senator Robert Barbers, chairman ng Senate committee on public order and illegal drugs para mabigyang hustisya ang sinapit ng mga naturang drug informer na isinakripisyo ang kanilang buhay at mga pamilya para lamang matulungan ang gobyerno sa kanilang kampanya laban sa droga.
Sa pamamagitan ng mga nasabing informer ay nabuwag ang mga malalaking laboratoryo ng shabu sa San Juan, MM; Tanza, Cavite; Horseshoe Drive sa Quezon City; Marina Bayhomes sa Parañaque City at sa Lancaster condominium unit sa Pasay City.
Nabuwag ang laboratoryo ng shabu sa San Juan noon pang 2001 samantala ang iba ay nabuwag noon lang nakaraang Hulyo makaraang ipag-utos ni Pangulong Arroyo ang pagpapaigting ng kampanya laban sa illegal na droga.
Samantala, sinabi naman ni Deputy Director Gen. Edgardo Aglipay, commander ng Anti-Illegal Drug Special Operation Task Force (AIDSOFT) na makakatanggap ng halagang P1.3 milyon ang informer na nakapagturo ng shabu lab sa isang warehouse sa Valenzuela na nakakumpiska ng umaabot sa P1 bilyong halaga ng shabu at gamit sa paggawa nito. (Ulat ni Edwin Balasa)