Sa kanyang paghahain ng House Bill 6559, ipinaliwanag ni Lokin na ang lahat ng kumpanya ng taxi ay naatasan sa kanilang franchise agreement at ng Land Transportation Franchising Regulatory Board na ihatid ang kanilang pasahero sa kanilang mga destinasyon.
Subalit, ani Lokin may mga abusadong taxi drivers at operators ang madalas na lumalabag sa nasabing "franchise agreement" sa pamamagitan ng pagtanggi na maghatid ng pasahero dahil umano sa mabigat na trapiko o malalayo ang patutunguhan bilang mga alibi.
Mayroon ding pumapayag na maghatid ng pasahero kung papayag na magdagdag ng bayad sa pamamagitan ng "kontrata."
Sa ilalim ng panukala, ang mga kumpanya ng taxi, operators at drivers ay pinagbabawalan na tumangging maghatid ng pasahero sa destinasyon nito o magtanong sa pasahero sa kanilang patutunguhan nang hindi pa man nakakapasok sa loob ng taxi.
Ipinagbabawal din sa panukala, ang mag-operate ng isang ruta lamang o kayay sa isang piling lugar lamang na taliwas sa kanilang franchise agreement, mangontrata ng pasahero o hindi gumagamit ng metro.
Kabilang sa mga parusa ay ang pagsuspinde o pagpapawalang-bisa sa lisensiya ng mga abusadong driver at ang pagmumulta sa taxi operators o kumpanya,
Ang Land Transportation Franchise Regulatory Board (LTFRB) ay inaatasan din sa hakbangin na magsagawa ng regular na seminar para sa kaalaman ng mga taxi operators at drivers patungkol sa batas na ito. (Ulat ni Malou Rongalerios)