Ayon kay DFA Secretary Blas Ople, kamakalawa ng gabi lamang umabot sa tanggapan nito ang balita na minalas na mapabilang ang Pinay na si Reylin Nuez Abarra sa 50 kataong nasawi sa naganap na pag-atake ng mga suicide bombers sa Al-Mohayya residential complex sa Riyadh nitong nakalipas na Nobyembre 9.
Ang pagkasawi ni Abarra ay ipinaabot ng Philippine Embassy sa Riyadh.
Inatasan na ni Ople si RP Ambassador to Riyadh Bahnarim Guinomla na madaliin ang pagbabalik ng mga labi ni Abarra sa bansa at isiguro na mabibigyan ng lahat ng benepisyo para sa mga naiwan nitong pamilya.
Base sa report, si Abarra ay kabilang sa tinamaan ng bomba matapos na magpumilit na iligtas ang mga inaalagaang dalawang anak ng kanyang employer.
Sa kasamaang palad, magkakasamang nasawi sina Abarra at mga anak ng employer nito.
Umaabot sa mahigit 100 katao ang nasugatan sa naturang suicide bomb attack kasama ang isang Pinay na nakilalang si Lolita Montealto. (Ulat ni Ellen Fernando)