DOTC secretary pinagbibitiw ni Drilon

Dahil sa nangyaring trahedya sa NAIA, hiniling ni Senate President Franklin Drilon ang pagbibitiw sa tungkulin ni Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza.

Sinabi ni Drilon, malaking kahihiyan ang idinulot ng ginawang pagsakop nina dating ATO chief Panfilo Villaruel at aide nitong si Lt Sr. Grade Ricardo Catchillar sa NAIA control tower 2 kamakalawa.

Ayon kay Drilon, responsibilidad ni Mendoza ang pagkabigong masiguro ang seguridad ng paliparan na nasa ilalim ng kanyang pamamahala kaya ang naganap na krisis ay dapat lamang isisi sa Kalihim.

"Sec. Mendoza is an embarrassment and he embarrassed our country in the eyes of the world. He and his subordinate in the DOTC have failed to secure the airport tower and this case involves a serious breach of security that such a vital facility like the airport tower can be penetrated by two individuals, acting on their own and were able to stay there for several hours," ani Drilon.

Inihalintulad ni Drilon ang naganap na Oakwood mutiny sa Makati City na mahigit 300 sundalo ang nasangkot subalit wala isa mang nasaktan pero sa siege sa NAIA control tower na dalawang tao lang ang sumakop ay kailangang ratratin ng assault team ang mga ito gayung sumisigaw na sila ng pagsuko.

Samantala, inihayag ni Senador Robert Barbers na dapat maging eye-opener sa ating national security ang nangyaring trahedya sa NAIA sa mga posibleng pag-atake pa ng makakaliwang grupo maging ang mga terorista sa bansa.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pamunuan ng PNP-Aviation Security Group sa posibleng security lapse na naging dahilan upang madaling napasok nina Villaruel at Catchillar ang control tower.

Sinabi ni Sr. Supt. Andres Caro II, director ng PNP-ASG na bagama’t off-limits at restricted ang control tower, hindi nasunod ng mga nakatalagang private security guards ng Lockheed Security Agency ang ipinatutupad na "strict security measures" ng NAIA.

Ayon kay Caro, inamin ni Danilo Salban, ang nahuling personal driver at bodyguard ni Villaruel na wala silang kahirap-hirap nang pumasok sa bisinidad ng control tower dahil nagpakilala lamang si Villaruel sa guwardya na dati siyang hepe ng ATO at may ginagawang research study para sa aviation industry. (Ulat nina Rudy Andal/Butch Quejada)

Show comments