Ayon kay Nepomuceno, labas sa polisiya ng MTRCB ang advertisement ng mga R-18 films sa telebisyon na nagpapakita ng kalaswaan.
Ang movie promotions aniya para sa telebisyon ay dapat pang-general patronage lamang. Partikular na inihalimbawa ni Nepomuceno ang trailer ng bold film na "Liberated" na pinagbibidahan nina Diana Zubiri, Francine Prieto at Christian Valdez.
Hindi aniya dapat ipinalalabas sa prime time television ang love scenes ng dalawa sa loob ng bathroom dahil hindi ito dapat napapanood ng mga bata.
Hindi rin aniya ito ang unang pagkakataon na nagpalabas ng promotion ng R-18 films sa TV katulad ng "First Time" at "Bugbog Sarado."
Hinikayat din ng solon ang MTRCB na dalasan ang pagtungo sa mga mall dahil dumarami na naman aniya ang mga bastos na posters ng mga pelikulang R-18. (Ulat ni Malou Rongalerios)