Mismong si Trade Secretary Mar Roxas ang nagsabi na hindi kayang pahinain ni Poe ang matatag na imahe ng Pilipinas bilang investment hub in Southeast Asia dahil noon mismong kumakalat ang balita na tatakbo bilang pangulo si Poe ay pumasok ang American auto giant na Ford sa bansa.
Sinabi ng kalihim ang kasiguraduhan para kumalma ang di mapakaling merkado na naging dahilan para umabot sa 55-32 ang peso-dollar exchange rate.
Ayon sa mga financial analyst sa Bankers Association of the Philippines, ninerbiyos ang financial market sa naglabasang balita na desidido nang tumakbo sa pagka-pangulo ang bida ng "Panday" at "Padrino."
Para kay Roxas, isa sa mga napipisil ni Pangulong Arroyo para maging running mate niya sa 2004 elections, mas makakatulong ang bawat Filipino sa pag-unlad ng bansa kung pagbubutihin ng mga ito ang kanilang pagtatrabaho.
Sinabi niya na ang magagaling na manggagawa sampu ng murang operating expenses ang patuloy na magiging susi sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas. Nasa bansa na rin ang Price Smart, isa sa mga retailing giants sa US, kaya naniniwala si Roxas na magpapatuloy ang pagpasok ng mga mamumuhunan sa bansa matuloy man o hindi ang pagpasok ni Poe sa pulitika.
Kumbinsido rin si Roxas na di magtatagal ay malalampasan ng Pilipinas ang Singapore sa dami ng mga tinatayong call centers at trabahong nalilikha ng nasabing sector. (Ulat ni Lilia Tolentino)