Ayon kay ret. AFP Gen. Gutang, pikon na umano ang mga sundalo sa walang puknat na kaguluhan sa gobyerno na pakana ng ilang mga pulitiko.
Narerendahan lamang umano ng matatandang opisyal ang nag-iinit na mga sundalo kaya nakakapagpigil pa ang mga ito. Subalit kapag nagkadayaan anya sa eleksiyon ay posibleng pasiklabin na nila ang banta na kudeta.
At sa gitna na rin ng mainit na bulung-bulungan hinggil sa namumuong panibagong "coup d etat" laban sa administrasyon, isinailalim ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang buong puwersa nito sa "red alert status."
Sa isang press briefing, sinabi ni AFP-Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Daniel Lucero na ang pagdedeklara nila ng red alert status ay bilang paghahanda sa mga posibleng mass actions ng mga militanteng grupo sa mga susunod na araw na may kaugnayan daw sa magiging desisyon sa isinusulong na impeachment complaint laban kay Davide.
"We have received information that there will be rallies to be conducted beginning tomorow up to the time when the decision will be released regarding the move for the impeachment of Justice Davide," ayon pa kay Lucero.
Tulad ng dati, sinabi ni Lucero na ang ipatutupad na red alert ay walang kaugnay sa mga tsismis ng panibagong kudeta mula sa mga ilang miyembro umano ng Phil. Military Academy Class 1989.
Naniniwala si Lucero na hindi na muling mauulit ang tinaguriang "Oakwood mutiny" dahil natugunan na ng militar ang mga lehitimong karaingan ng mga sundalo.
Tiniyak pa ng opisyal na wala ng sundalo na mangingimi pang sumali sa destabilization plot.
Samantala, nakiusap naman ang PMA Makatao Class 89 sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Cavalier Dionisio Borromeo na huwag kaladkarin sa kudeta ang kanilang batch.
Binigyang diin ni Borromeo na manatili silang mga prospesyonal na opisyal at hindi nila ipagbibili ang kanilang kredibilidad.(Ulat ni Joy Cantos)