Sinabi ni Presidential Adviser Heherson Alvarez na mula sa unang lima ay umabot na ito sa 10 at maaaring madagdagan dahil sa ginagawa nitong pagkumbinsi at pagpapaliwanag na mali umano ang pagsuporta sa Davide impeachment.
Gayunman, ayaw pang ihayag ni Alvarez ang mga pangalan ng huling limang congressmen dahil sa pakiusap na ayaw magpa-istorbo sa media ngayong bakasyon ng Kongreso.
Naunang umatras sina Ernesto Nieva (Manila), Soraya Jaafar (Tawi-tawi), Wilhelmino Alvarado (Bulacan), Mauricio Domogan (Baguio) at Reynila Nicolas (Bulacan).
Naniniwala si Alvarez na tuluyan na nitong makukumbinsi ang natitira pang pito mula sa 17 Lakas congressmen upang tuluyan ng mamatay ang kasong impeachment laban kay Davide.
Gayunman, nilinaw ni Alvarez na kung hindi na maiaakyat sa Senado ang impeachment ay itutuloy pa rin ang imbestigasyon ng Kongreso sa mga alegasyon na mali ang paggastos ni Davide sa Judiciary Development Fund (JDF).
Samantala, ikinatuwa naman ng Malacañang ang pag-atras ng 10 kongresista ng Lakas.
Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, sapat na dahilan ng pag-aatras ng mga kongresista ay ang paglutang ng report ng Commission on Audit (COA) na nagpapatunay na wasto ang ginastos sa JDF at walang nilabag na batas.
Ipinaliwanag pa ni Bunye na malaking bagay ang pagbawi ng pirma dahil magreresulta ito upang maiwasan ang Constitutional crisis. (Ulat ni Ely Saludar)