Sinabi ni Tarlac Rep. Jesli Lapus na hindi dapat magamit ng mga pulitiko at ilang tiwaling opisyal ng gobyerno ang pangalan ng mga namatay sa nalalapit na eleksiyon sa susunod na taon bilang respeto na rin sa mga namayapa.
Naniniwala si Lapus na kaya pang linisin ng Comelec ang kanilang listahan sa pamamagitan nang pagsasagawa ng buwanang updates base sa gagawing ulat ng election officers na kukunin sa Local Civil Registrars.
Hindi na aniya kailangan pang magpalabas ng resolusyon o batas ukol dito dahil mayroon nang isinasaad sa Repulic Act 8189 na nag-aatas sa Local Civil Registrars na magsumite sila ng kopya ng listahan ng mga dead person sa Comelec kada buwan.
Sa isang liham na ipinadala ni Lapus sa Comelec, tinukoy nito ang naturang probisyon sa naturang batas.
Sa naging tugon naman ng Comelec, sinabi ni Commissioner Resurreccion Borra na iilan lamang LCRs ang sumusunod sa naturang batas.
Base sa pagtataya ng National Statistics Office (NSO), mayroong 5.77 sa bawat 1,000 katao ang namamatay sa Pilipinas.
Lumalabas na sa populasyon ng bansa ngayong 2003 na 81.1 milyon, umaabot sa 467,947 katao ang namamatay kada taon.
Idinagdag ni Lapus na isang paraan ng pandaraya sa eleksiyon ay ang paggamit ng pangalan ng mga taong matagal nang patay subalit hindi pa ito naipapatala sa LCRs. (Ulat ni Malou Rongalerios)