Senado pumalag sa oral argument

Igigiit ng Senado sa isusumiteng manipestasyon nito sa Supreme Court na hindi na kailangan na humarap sila sa itinakdang oral argument ng High Tribunal sa November 5 dahil ang reklamo laban sa Senado ay "premature" dahil ang impeachment complaint ay hindi pa naita-transmit sa kanila at nasa Kamara pa lamang.

Ayon kay Senate President Franklin Drilon, walang dapat ipaliwanag ang Senado sa isasagawang oral argument sa Nov. 5 dahil wala pa sa kamay ng Mataas na Kapulungan ang articles of impeachment dahil nag-adjourn ang Kamara kamakalawa.

Aniya, seryosong usapin ang ginawang pagpapalabas ng injunction ng SC at kung hindi ito mareresolbang mabuti ay baka umabot ito sa pagkakaroon ng constitutional crisis.

Wika pa ni Drilon, hindi ang Senado kundi ang Kamara ang dapat magpaliwanag sa isasagawang oral argument sa SC dahil nasa kanilang hurisdiksiyon pa rin ang impeachment complaint matapos mabigong ma-transmit ito kahapon hanggang sa mag-adjourn ito. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments