Sa 2-pahinang resolution, inatasan din ng SC ang Office of the Solicitor General na magsumite ng kanilang komento sa loob ng 5 araw upang talakayin kung dapat na magpalabas ng TRO laban sa mga kongresistang nais magsulong ng impeachment complaint.
Maging ang mga kongresista na nagsusulong ng impeachment case ay pinagsusumite din ng kanilang komento na hindi lalampas sa November 3. Itinakda ang pagsasagawa ng oral argument sa November 5.
Bunga nito, hindi muna puwedeng umakto bilang impeachment court ang Senado dahil sa biglang pag-adjourn ng sesyon ng Kamara kahapon kaya walang naganap na transmittal ng articles of impeachment.
Inihayag kahapon ni Senate President Franklin Drilon, hihintayin muna ng Senado ang transmittal bilang bahagi ng procedures saka lamang aakto ito bilang impeachment court.
Ayon kay Drilon, bibigyan ng 10 araw ng impeachment court si Justice Davide upang sagutin ang complaint saka pagkakalooban naman ng 5 araw ang prosecution panel ng Kamara na sumagot sa naging reply ng Chief Justice.
Sakaling mai-transmit ng Kamara ang articles of impeachment sa pagpapatuloy ng sesyon nito sa November 10 ay dito na aaksiyon ang Senado bilang impeachment court at susundin ang isinasaad ng resolution 68 ukol sa procedures ng impeachment proceedings kung saan ang Senate president ang magiging presiding officer habang ang mga senador ang aakto bilang mga hukom.
Wika pa ni Drilon, kahit nag-adjourn ang Kamara at magbabalik lamang sa sesyon sa November 10 ay hindi kinakailangan na sumunod dito ang Senado bagkus ay itutuloy nito ang sesyon hanggang October 30 upang talakayin ang mahahalagang bagay tulad ng budget at iba pang panukala na kinakailangang bigyan ng prayoridad bago magbakasyon ang Senado. (Ulat nina Grace dela Cruz/Rudy Andal)