Ang pahayag ay bunsod na rin ng mga pagkwestiyon ng mga kritiko ni FPJ sa kanyang citizenship na isang isyu na makakahadlang sakaling tumakbo ito sa pagka-pangulo sa 2004.
Ayon kay Domingo, hindi maaaring mabigyan ng pasaporte si FPJ kung hindi ito kinilala muna bilang Pilipino.
Hawak ng BI ang dokumento bilang ebidensiya na magpapatunay na isa siyang Pilipino kayat maaari siyang tumakbo sa nasabing eleksiyon dahil may karapatan ito.
At kung may duda pa anya ang mga kritiko nito sa kanyang nationality, sa Department of Foreign Affairs (DFA) na lamang umano ito busisiin.
Nilinaw naman ni Domingo na sa kabila nito, isang impormante ang nagsabi na kung pagbabasehan ang family tree ni Da King, maituturing na isa itong American citizen.
Nabatid na ang lolo ni FPJ ay isang black Portuguese at miyembro ng US Marines na nakapag-asawa ng Filipina na si Miranda. Sila ay nagkaanak - sina Fernando Poe Sr., ama ni FPJ at miyembro ng US Marines at artista na nakapangasawa ng Amerikana na si Elizabeth Kelly.
Nagkaanak sina Poe Sr. at Kelly - sina Andy Poe, ang tunay na Fernando Poe Jr.; Ronald Allan Poe, ang tunay na pangalan ni Da King; Elizabeth at Conrad. Dito lumalabas na isang Amerikano si FPJ.
Gayunman, isa pa sa titiyakin ay kung anak umano sa labas si FPJ dahil hindi umano kasal ang nanay nito sa amang Amerikano kaya malabo pa rin ang isyu sa nationality na hadlang sa posibleng pagtakbo nito sa eleksiyon. (Ulat ni Ludy Bermudo)