Bagong grading system ng DECS kinatigan ng Senado

Kinatigan ng Senado ang bagong grading system na ipatutupad ng Department of Education (DepEd) para sa public school sa buong kapuluan.

Umaasa si Sen. Tessie Aquino-Oreta na ang bagong grading system sa public school ay makatutulong upang mapaangat ang karunungan ng mga estudyante dito at malaman na umasenso rin ang resulta ng National Elementary Achievement Test (NEAT) at National Secondary Achievement Test (NSAT).

"We welcome this new initiative of Secretary (Edilberto) de Jesus to improve the quality of learning and the performance of our students in public schools," sabi ni Oreta.

Sa ilalim ng bagong grading system na niluluto ni deJesus, mananatili sa 75% ang passing grade ng mga estudyante subalit sa mga pagsusulit, hindi na makakakuha ng 50% ang isang estudyante kung nabokya ito kundi 0% samantalang ang perfect score ay 100%.

Ang final grade ng isang estudyante ay ibabase naman sa average nito sa apat na periodic grades.

Naniniwala si Oreta na kung maipapatupad ito, posibleng umasenso na ang kalidad ng pag-aaral sa public school lalo na sa mga importanteng subject sa Mathematics, Science at English. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments