House arrest hirit uli ni Erap

Muling binuhay kahapon ni dating Pangulong Joseph Estrada ang kahilingan na ilagay na lamang siya sa house arrest upang maalagaan ang may sakit na ina.

Sa isinagawang ocular inspection kahapon ng Sandiganbayan Special Division sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal, sinabi ni Estrada kay Senior member Associate Justice Edilberto Sandoval na payagan siyang mamalagi sa #1 Polk st., San Juan upang makita ang kanyang inang si Doña Mary Ejercito na napabalitang may sakit.

"I prefer to be detained in Polk street because I could be near my ailing 98-year-old mother," ani Estrada.

Pero sinabi ni Sandoval kay Estrada na kailangan niyang maghain ng isang mosyon kung gusto niyang makakuha ng isang special pass para maalagaan ang kanyang ina.

Sinabi naman ni dating Sandiganbayan presiding Justice Manuel Pamaran na maghahain siya ng isang mosyon para sa special pass ng dating presidente.

Dalawang beses nang hindi pinagbigyan ng anti-graft court ang mga naunang kahilingan ni Estrada na ilagay na lamang siya sa house arest dahil sa posibilidad umanong tumakas ito.

Sinabi ni Estrada sa anti-graft court na mas gusto niya ngayon ang kulungan sa Camp Capinpin dahil nakakalabas siya at naaarawan taliwas sa sitwasyon niya sa Veterans Memorial Medical Center.

Idinagdag ni Erap na ayaw na niyang makulong sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna dahil malungkot ang nasabing lugar. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments