Ipinakalat na kahapon sa ibat ibang strategic areas sa loob ng Batasan complex ang mga miyembro ng Presidential Security Guards, Special Action Force, PNP personnel at mga in-House security bilang bahagi ng malaking okasyon bukas.
Muling nagtungo kahapon sa Batasan ang ilang US Secret Service agents na pinamumunuan ni US Navy Capt. Dennis Williams upang makipag-koordinasyon sa mga local security officials.
Ipinalabas na rin kahapon ang listahan ng mga senador, kongresista, chamber officials, technical staff at media men na papayagang pumasok sa Batasan. Ang mga wala sa listahan ay hindi papapasukin.
Ang mga miyembro ng media ay maaari lamang pumasok sa Batasan simula alas-8 hanggang alas-11 ng umaga. Ang mga hindi darating bago mag-alas-11 ng umaga ay hindi na papayagang makapasok.
Hihilingin din sa mga senador at congressmen na manatili sa loob ng session hall isang oras bago ang nakatakdang talumpati ni Bush sa ganap na alas-3 ng hapon.
Maging ang mga foreign dignitaries at iba pang bisita ay kailangang nasa kani-kanilang upuan isang oras bago magtalumpati si Bush.
Nauna rito, idineklarang holiday para sa mahigit na 3,000 empleyado ang araw ng Huwebes at Biyernes. (Ulat ni Malou Rongalerios)