Sa kanilang pinagsamang pahayag, sinabi nina Reps. Willie Villarama (Bulacan) at Prospero Pichay (Surigao del Sur) na personal nilang nakausap si Jimenez at pinabulaanan ng dating kongresista na nagbigay siya ng kopya ng anim na tseke at kasulatan kaugnay sa umanoy P38 milyong suhol ni Jimenez kina Pangulong Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo.
Ayon kina Reps. Villarama at Pichay, walang tseke o anumang sulat na pinirmahan si Jimenez at ibinigay kay Lacson o sa mga abugado nito upang maging bahagi ng mga alegasyon ng senador laban sa mag-asawang Arroyo.
Ayon kay Villarama, hilong-talilong na si Lacson kaya pati si Jimenez na nasa Amerika ay sinadya niyang puntahan upang hingan ng tulong sa kanyang mga ibinigay na privilege speech sa Senado.
Gayunman, tumanggi si Jimenez na magpagamit kay Lacson matapos na malaman ang layunin ng senador na tumakbo sa darating na halalan.
Sa halip, hinamon ni Jimenez si Lacson na ilabas ang umanoy tseke at kasulatan na ibinigay daw ng kongresista sa senador.
Ayon naman kay Atty. Jesus Santos, abugado ng Unang Ginoo, malinaw na inabuso ng senador ang kanyang parliamentary immunity at ginamit ang Senado para lamang siraan ang Pangulo, ang First Gentleman at maging ang Kataas-Taasang Hukuman para na rin sa kanyang ambisyong maging presidente ng bansa sa 2004.
"Inulit lang ni Sen. Lacson ang nauna niyang mga paratang sa Senado at walang bago sa kanyang ipinangalandakang huling bomba," wika ni Santos.
Kasinungalingan din ang ipinagkalat ni Lacson na may idinepositong P1,350,000 ang PCSO sa Jose Pidal account at napatunayan nang hindi ang Unang Ginoo ang may-ari sa nasabing deposito kundi ang kanyang kapatid na si Iggy.
Binigyang-diin ni Santos na nagpalabas ng sertipikasyon ang pitong bangko na idinawit ni Lacson sa Jose Pidal na wala ang nasabing "existing account" sa kanilang establisimiyento. (Ulat ni Malou Rongalerios)