Ayon kay Atty. Ricardo Abcede, pambansang pinuno at tagapagsalita ng Filipino Lawyers for Good Governance (FILGOOD), tinutuligsa ng grupo ang ipinahayag ni Lacson na dapat silang sabitan ng medalya at papurihan dahil sa ginawa nila umanong pagligpit sa 11 kasapi ng kilabot na grupo.
Ang pahayag ni Lacson ay binasa ni Cavite Rep. Gilbert Remulla sa harap ng mga miyembro ng Financial Executives of the Phils. matapos na magtago umano ang Senador dahil sa desisyon ng Supreme Court na muling litisin ang ginawang karumal-dumal na pamamaslang sa mga kasapi ng KBG.
Sinabi pa ni Abcede na nakakatakot umano ang berdugong kaisipan ng Senador, lalo pat nag-deklara na ito bilang kandidato sa pagka-pangulo sa darating na halalan.
Aniya, mukhang ang alam na kahulugan ni Lacson sa katagang due process o bigyan ng karampatang pagkakataon na ipagtanggol ang sarili sa hukuman ay madaliang pagkitil sa buhay ng mga kriminal.
Pinaalalahanan din nito ang kampo ni Lacson na sila ay may mga anak din at hindi dapat mamana pa ng bagong henerasyon ang kulturang karahasan sa lipunan. (Ulat ni Rudy Andal)