DPWH Sec. Soriquez, sabit uli sa ghost projects

Tinuligsa kahapon ng isang pambansang samahan ng civil society ang di pagsususpinde ng Sandiganbayan kay Public Works and Highways Sec. Florante Soriquez na napatunayan na nilang sangkot sa mega dike scam sa Pampanga.

Ayon kay Randy Tolentino, pangalawang pangulo ng Aniban ng Maralitang Pilipino, ang pinakabagong kaso ni Sec. Soriquez ay tungkol sa kanyang P140 million damages o danyos sa DPWH dahil sa hindi natuloy na proyekto sanhi ng problema sa right of way.

Ayon sa Takahira Engineering International Inc., foreign consultants ng Rural Road Network Development Project na nagpopondo ng proyektong ito, hindi dapat magbayad ng kahit isang pera ang DPWH.

Sa panig naman ni dating DPWH Sec. Simeon Datumanong, siya ay nagpalabas ng Department Order no. 34 na nagbuo ng isang ad hoc committee noong Feb. 27, 2001 upang alamin kung magkano ang dapat na ibayad sa A.G. Marfori. Tulad din ng tinuran ng mga foreign consultants, walang dapat bayaran ang DPWH dahil wala namang kahit na ilang metrong kalsada na nagawa ito.

Dahil sa makulit ang kontraktor sa paniningil, nagbigay muli si Datumanong ng DO No. 79 noong May 24, 2001 na nagtalaga ng bagong komite para kuwentahin ang dapat na bayaran. Ang kanilang hatol ay P2.5 million lamang.

Nang isangguni kay Soriquez na project manager ng Region III at asst. secretary for operation noon, inirekomenda niya na magbayad ang DPWH ng P50 million.

Ayon kay Tolentino, ang masalimuot na transaksiyon na ito ay umabot sa Ombudsman sa pamamagitan ng isang miyembro ng kanilang grupo na siyang nag-file ng formal complaint, pero hindi umano binigyang pansin ng Ombudsman.

Si Soriquez, kasama ng ilan pang DPWH officials ay napatunayan ng Ombudsman na sangkot sa pagguho ng mega dike sa Pampanga dahil sa "alleged faulty construction." Ang kasong ito ay kilalang-kilala ngayon sa bansag na mega dike scam.

Subalit simula pa noong 1996, hindi ibinaba ng Office of Special Prosecutor ang motion to suspend ni Soriquez. Nito lamang July 23 nang i-deny ng korte ang tinatawag na demurrer of evidence ni Soriquez saka napilitang mag-file ng motion to suspend kay Soriquez ang Sandiganbayan.

Subalit hanggang ngayon, hindi pa rin ipinatutupad ng korteng ito ang suspension ni Soriquez. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments