Si Edgardo Batenga Jr. ay sinamahan ng kanyang inang si Remedios Benilan at ng kanyang legal counsel na si Atty. Bernardo Pablo Magsilang, deputy director ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa pagharap nito sa mediamen kahapon.
Sinabi ni Batenga Jr. na ang tanging habol niya sa kanyang ama ay ang suportang pinansiyal para makapagtapos siya ng pag-aaral.
Ayon kay Atty. Magsilang, P40,000 sustento kada buwan ang kanilang hinihingi kay Usec. Batenga para magamit sa pag-aaral ng kanyang kliyente.
Nabatid na ang anak ni Batenga ay nahinto ng pag-aaral sa PATTS College of Aeronautics sa Pasay City dahil hindi na kayang sustentuhan pa ng kanyang ina ang kanyang pag-aaral bunga ng matinding kahirapan.
Ang batang Batenga ay naghain ng kasong sibil at kasong administratibo kaugnay ng "conduct unbecoming of an officer and a gentleman" at "gross immorality."
Ang kasong sibil ay inihain sa QC RTC habang ang administratibo ay isinampa naman sa Ombudsman.
Bukod dito, ayon pa sa ina ng batang Batenga ay kailangan din aniyang ibigay ng opisyal ang kalahati sa nagastos ng kanyang anak na umabot sa P75,000 ng magkasakit ito at maospital noong taong 2000 sa sakit na dengue na nagkaroon ng komplikasyon.
Ayon kay Remedios, 55, ng #925 Brgy. Pasong Buwaya, Imus, Cavite magmula umano ng isilang niya ang kanilang anak ay hindi man lamang sila nabigyan ng suporta ni Batenga Sr. sa kabila ng pagpapagamit ng kanyang apelyido sa kanyang anak.
Sa gitna nitoy bukas naman ang anak na naghahabla na iurong ang demanda laban sa kanyang sariling ama kung makikipag-ayos ito sa kanila at susuportahan ang kanyang pag-aaral hanggang siyay makatapos.
Ayon kay Magsilang, malaking posibilidad na pasok sa immorality check ang dating heneral kung saan tumatakas ito sa kanyang responsibilidad bilang isang ama ng kanyang anak. (Ulat ni Joy Cantos)