Ayon kay SOS president Robert Lim Joseph, hinihiling nila kay Pangulong Arroyo na isama sa konsultasyong ito ang major airline stakeholders, local airlines, travel at tour operators at cargo forwarders na lubos na maaapektuhan ng panibagong air agreement na ito.
Sinabi ni Joseph, lalo silang nangamba na muling maulit ang RP-US air agreement at RP-Singapore air pact kung muling mahuhuli sa pagsaklolo ng ating air rights ang Pangulo.
Ang kawalan anya ng konsultasyon sa major airlines ay bunga ng nakasaad sa Executive Order 32 na nilagdaan ni GMA noong Agosto 22, 2001 kung saan ang chairman ng panel ay ang kalihim ng DOTC gayung ang dating tagapangulo nito ay ang DFA secretary.
Naalarma lalo ang SOS matapos mabatid na maging si Civil Aeronautics Board (CAB) chair Alberto Lim ay bahagi ng panel sa RP-Korea negotiations gayung ito ang nag-udyok sa Palawan Tourism Council na gumawa ng petisyon kay GMA para buksan ang negosasyong ito.
Naniniwala si Joseph na ang nasa likod ng RP-Korea air talks ay ang foreign-funded lobby group na Freedom to fly Coalition na tinutulungan ni Lim na maisulong ang RP-Singapore at RP-US air negotiations at ngayon ay muling ibebenta ang ating air rights sa Korea. (Ulat ni Rudy Andal)