Kasabay nito, agad na sinibak ni PNP Chief P/Director Gen. Hermogenes Ebdane Jr. ang hepe ng CIDG Anti-Organized Crime and Businessmen Concerns Division na si P/Supt. Rosueto Ricaforte dahilan sa command responsibility.
Agad namang nag-file ng leave of absence si CIDG Chief P/Director Eduardo Matillano na inaprubahan naman ni Ebdane.
Kinilala ni Matillano ang napatay na mga pulis na sina SPO1Frumencio Lafuerte, PO3 Alaster "Ace" Garcia at PO2 Arvin Garces, samantala ang napatay na suspek ay si Buyungan Bungkak, 20, isang Abu Sayyaf.
Ayon sa report, nagsimula ang tensiyon sa tanggapan ni Ricaforte dakong alas-6 ng umaga. Kasalukuyan umanong ini-eskortan ng jailguard na si Garces ang suspek para paarawan nang bigla nitong agawin ang M16 rifle ng nasabing bantay at agad barilin saka isinunod sina Lafuerte at ang nagrespondeng si Garcia.
Nagpalipat-lipat pa umano ang suspek sa mga kuwarto sa nasabing tanggapan kaya tumagal ang barilan kung saan ay nagresponde na rin ang PNP-Special Weapons and Tactics (SWAT) team, Police Anti-Organized Crime Task Force (PACER) at PNP-Special Action Force.
Napatay ang suspek matapos na masukol ito sa comfort room ng nasabing tanggapan.
Ayon naman sa ilang source sa PNP-CIDG, kapabayaan umano ang sanhi ng nangyaring hostage-drama dahilan malaya umanong nakakagala ang suspek matapos itong gawing striker o utility boy ng mga pulis na nakatalaga sa nasabing tanggapan sa kabila na isa itong terorista.
Ayon kay Matillano, si Lafuerte ay agad binawian ng buhay matapos masapol ng bala sa ulo. Napatay naman si Garcia habang nagreresponde sa narinig na putok ng baril, samantala si Garces ay namatay habang ginagamot sa PNP General Hospital.
Ang mga nasugatang pulis ay kinilalang sina PO2 Angelito de Juan, PO1 Armando Reyes na kapwa ng PNP-CIDG at P/Sr. Insp. Rommel Rumbaoa, team leader ng SAF na nagsagawa ng assault sa ginawang hostage ng ASG.
Nabatid na si Bungkak, tubong Manikahan, Zamboanga City ay isa sa limang naarestong ASG terrorist na sangkot sa serye ng pambobomba sa Zamboanga noong 2002.
Nadakip ito ng mga awtoridad sa follow-up operations sa lungsod noong Oktubre 18, 2002.
Kabilang sa mga kinasasangkutan ni Bungkak ay ang pambobomba noong Oktubre 2, 2002 sa Malagutay, Zamboanga City na ikinasawi ng dalawa katao kabilang ang isang US servicemen habang marami pa ang nasugatan.
Ayon naman sa kapatid ni Bungkak, posibleng nagtangka itong tumakas matapos mabalitaan ang pagkamatay ng ama. (Ulat ni Joy Cantos)