Bukod kay Buenaventura, dating presidente ng Shell Philippines at Monetary Board Member ng BSP, kabilang din sa kinasuhan sina Isidro Consuji, ng kilalang kumpanya na Consuji of DMCI Group, Alfredo Lozano Jr, Eduardo Gaspar, Delfin N. Yuchico Jr. at Ma. Edwina Laperal.
Ayon sa reklamo ng anim na investors na nakilalang sina Alfonso Po, Letty Po, Albino Jao, Judy Fuentes, Sydney Quintos at Rodolfo Cruz, noong Oktubre, 1996 nang mahikayat sila ni Buenaventura na mag-invest ng tig-P1 milyon bilang membership fee sa planong pagtatayo ng Universal Leisure Club. Bawat isa ay maaaring gumamit ng nasabing leisure club na itatayo sa Batulao, Batangas, isa sa Tanay Golf Club at Sports Club sa Pasig City.
Umaabot na umano sa 2000 investors ang nakolektahan ng membership fees o shares na naibenta ng grupo ni Buenaventura subalit wala pa rin silang makitang itinayong club.
Nagalit ang mga investors kung kaya hiniling na lamang nila na ibalik ang kanilang salaping inilagak sa leisure club ngunit ilang taon ang nakalipas ay patuloy pa ring itinatanggi ng grupo ni Buenaventura na maisaoli ang salapi sanhi ng kanilang paghahain ng demanda.
Ang syndicated estafa ay may katumbas na parusang habambuhay na pagkabilanggo at hindi pinapayagang makapagpiyansa ang mga akusado. (Ulat ni Grace dela Cruz)