Ayon kina Minority Leader Carlos Padilla, Isabela Rep. Rodolfo Albano at Maguindanao Rep. Didagen Dilangalen, walang karapatan ang US Secret Service na maghari-harian sa loob ng Batasan para lang masigurong magiging ligtas si Bush sa loob ng Kongreso.
Hindi anya dapat maliitin ng Amerika ang pagbibigay ng seguridad kay Bush at lalong hindi dapat isakripisyo ang trabaho ng Kamara para lamang mapagbigyan ang kapritso ng US.
Isiniwalat kahapon ni Rep. Lozada, chairman ng house committee on foreign relations na nais ng US na saraduhan ang Batasan complex sa loob ng isang linggo bago dumating si Bush.
Ang paghihigpit ay bilang bahagi ng seguridad na paiiralin ng US Secret Service para kay Bush na darating sa bansa sa Oktubre 18.
Idinagdag ni Lozada na hindi naman napaparalisa ang trabaho ng US Congress tuwing dadalaw doon ang presidente ng Pilipinas kaya isang malaking insulto para sa mga kongresista ang nasabing plano. (Ulat ni Malou Rongalerios)