Ayon kay Atty. Rick Abcede, national chairman at spokesman ng FILGOOD, nagsampa sila ng reklamo laban kay Sen. Lacson upang maparusahan ito ng Senado dahil sa ginawang pag-abuso sa kanyang parliamentary immunity ng akusahan nito si First Gentleman Mike Arroyo bilang Jose Pidal na nagtataglay ng milyun-milyong salapi na mula umano sa mga campaign contributions.
Sinabi ni Atty. Abcede, nais nilang maparusahan si Lacson ng liderato ng Senado mula sa suspensiyon hanggang sa expulsion bilang miyembro ng Mataas na Kapulungan matapos mabigo itong mapatunayan ang kanyang akusasyon laban sa Unang Ginoo sa ginawa nitong dalawang expose sa Jose Pidal issue.
Wika pa ng FILGOOD, wala pang naihaharap na konkretong ebidensiya si Lacson upang suportahan ang ginawa nitong akusasyon laban sa Unang Ginoo maliban pa sa tahasang pagtanggi ng pitong bangko na walang Jose Pidal o Jose Pidal-Victoria Toh joint accounts sa kanilang mga bangko.
Idinagdag pa ng mga abugado, ang ginawang "political terrorism" ni Lacson laban sa Unang Ginoo ay nagresulta sa pag-atras ng mga foreign at local investors na nagbunga naman ng paglawak ng kawalan ng trabaho, pagbagsak ng piso sa merkado, ang pagyanig sa sistema ng bangko at ang biglang pagtaas ng presyo ng bilihin.
Iginiit pa ng abugado, isinakripisyo ni Lacson ang kapakanan ng bayan para lamang sa kanyang personal na galit at ambisyon sa pulitika kung saan ang naging tunay na biktima ay ang ating bayan. (Ulat ni Rudy Andal)