Ayon kay Atorni Jesus Santos, abugado at tagapagsalita ng Unang Ginoo, walang katuturan ang mga pang-iinsulto at mga patutsada ni Lacson hangga’t wala itong maipakita ni katiting na ebidensiya sa kanyang mga binitawang talumpati sa bulwagan ng Senado.
"Hindi na uso ngayon ang makabagbag-damdamin at kapana-panabik na mga tagpo. Kung wala kang sapat na katibayan, tumigil ka na, sawa na ang bayan," reaksiyon pa ni Santos.
Pinayuhan pa ng batikang trial lawyer si Lacson na sa halip na magbigay ng kung anu-anong katangian laban sa kanyang mga kritiko, ay iladlad na lang nito ang kanyang mga ebidensiya sa kanyang mga binitiwang paratang laban kay FG, Ignacio Arroyo, Victoria Toh, Thomas Toh at Kelvin Tan.
Matatandaan na nagbigay ng pahayag si Lacson noong Biyernes ng gabi sa mga kasapi ng Philippine Constitution Association (Philconsa) na muli itong magbibigay ng kanyang privilege speech sa muling pagbubukas ng sesyon ng Senado sa Oktubre 6. (Ulat ni Rudy Andal)