Ayon kay Minority Leader Carlos Padilla, ang napakaliit na budget na inilalaan sa mga government-run schools sa bansa ang nagiging sanhi sa paghihirap ng mga state-owned universities.
Para sa 110 state colleges and universities (SUCs), paghahati-hatian lamang ng mga ito ang P12.3 bilyon para sa susunod na taon.
Inalis na sa nasabing pondo ang P4.5 bilyon na inilaan para sa University of the Philippines System.
Ayon kay Padilla, mas mataas pa ang inilaang pondo para sa mga state universities and colleges noong taong 2002 na P16.915 bilyon na naging P16.861 bilyon ngayong 2003 at planong gawing P16.829 bilyon sa susunod na taon.
Dahil aniya sa sobrang liit ng pondo, ang alokasyon para sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) na may pinakamalaking bilang ng enrollees (50,000 estudyante) ay P542.7 milyon lamang.
Habang ang ibang SUCs ay mabibigyan lamang ng mula P20M hanggang P30M bilang pambayad sa academic at non-academic personnel, maintenance and operating expenses.
Lumalabas aniya na ang sektor ng edukasyon ay hindi prayoridad ng administrasyong Arroyo.(Ulat ni Malou Rongalerios)