Lifestyle check vs Joey ikakasa !

Wala nang kawala sa mga kinasangkutang kontrobersiya si Parañaque City Mayor Joey Marquez dahil kasunod ng mga reklamong pananakit at panunutok ng baril sa TV host-actress na si Kris Aquino ay hindi na rin siya paliligtasin ng kampo ng huli sa lifestyle check.

Bukod sa posibleng pagbagsak sa morality check na isinusulong ng pamahalaan sa mga government officials, nalalagay sa alanganin si Mayor Marquez dahil sa pagpapasailalim dito sa kanyang uri ng pamumuhay.

Dahil sa dami ng mga babaeng nasangkot sa alkalde bukod sa asawa nitong si Alma Moreno na nagkaroon ng apat na anak dito ay napabalitang may mga anak pa sa ibang babae ang alkalde.

Malalaman sa lifestyle check kung saan kinukuha ng alkalde ang mga perang ipinangsusustento nito sa kanyang iba’t ibang pamilya, pagbili ng mga property at sasakyan.

Kabilang sa unang napaulat na nakarelasyon ni Joey sina Brenda del Rio na nagkaroon ng mga anak dito, si Sharmaine Arnaiz na natsismis na ibinahay matapos na mabuntis ng mayor may ilang taon na ang nakalilipas, bukod pa kina Stella L. at Lara Melissa de Leon na hindi batid kung nagkaanak din sa kanila.

Kasama na rin dito ang mga pag-iimbestiga sa pera o kaban ng lungsod kung nagagalaw ito at nasasama sa mga personal na pangangailangan ng alkalde dahil hindi sapat ang sahod ng isang mayor na tustusan ang mga anak nito.

Kasama na rin sa sisiyasatin ang nightlife ng alkalde dahil may mga pagkakataon na nakikita itong nagtutungo sa mga nightclubs at nagti-table ng guest relation officer (GRO). (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments