Danding-FPJ niluluto

Inihayag kahapon ni dating Ambassador Ernesto Maceda na wala pang pinal na desisyon si action king Fernando Poe Jr. kug umaatras na ito sa pagtakbo bilang pangulo sa darating na 2004 elections.

Sinabi ni Maceda, chairman emeritus ng Nationalist People’s Coalition (NPC), nakatakdang magpulong sa susunod na linggo sina NPC founder Eduardo ‘‘Danding’’ Cojuangco Jr. at FPJ kaugnay sa kanilang magiging plano sa 2004 elections.

Ayon kay Maceda, ang pagpayag ni FPJ sa muling pakikipag-usap kay Danding sa susunod na linggo ay malinaw na indikasyon na hindi pa sarado ang pinto nito upang tumakbo bilang pangulo sa darating na eleksiyon.

Aniya, tanggap naman ng NPC "in principle" ang alok ni Sen. Edgardo Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) para sa United Opposition kung saan ay magkakaroon ng iisang standard bearer para sa 2004 elections.

Ipinaliwanag pa ni Maceda, bubuuin ng NPC ang kanilang panel na makikipag-ugnayan sa LDP para sa posibleng coalition nito at pagbuo ng isang United Opposition para sa nalalapit na halalan.

Wika pa nito, nakahanda si Cojuangco na hintayin ang October 15 na itinakda ni Sen. Angara na petsa para ihayag ang magiging standard bearer ng United Opposition para itapat sa kandidato ng Lakas kung saan ay pinaniniwalaan nilang si Pangulong Arroyo.

Sabi pa ng dating senador, ikinukunsidera din ng NPC na maging runningmate ni Cojuangco sina Senate Majority Leader Loren Legarda, FPJ, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Noli de Castro, Sen. Aquilino Pimentel o Sen. Vicente Sotto.

Naniniwala din si Maceda na mas malakas ang United Opposition kumpara sa Lakas dahil nag-iisa lamang ang puwede nilang ipanlaban kundi si GMA habang ang oposisyon ay maraming pinagpipilian. (Rudy Andal)

Show comments