Si Chavez ang abogado ni Marquez sa pagpapawalang-bisa sa kasal nila ni Alma Moreno pero hindi nito tinanggap ang hiling ni Joey na maging abogado sa away nila ni Kris.
Sa panayam sa telepono, inamin ni Atty. Chavez na matapos silang makapag-usap ni Mayor Marquez sa loob ng tatlot kalahating oras at naidetalye ang mga pangyayari sa loob ng relasyon nito kay Kris Aquino, hindi niya umano niya kayang ilahad sa korte ang mga ibinunyag ni Marquez na pawang "damaging revelations" laban kay Kris sakaling isalang ito sa cross-examination o mapunta na sa demandahan ang lahat.
Nilinaw din ni Chavez na hindi niya kailanman sinabi na siya ang hahawak sa kaso bagkus ay lumapit lamang sa kanya si Marquez upang humingi ng advice ukol sa nasabing problema makaraang pumutok ang paghaharap ng reklamo ng aktres laban sa alkalde.
Bilang pagbibigay respeto na rin anya kay dating Pangulong Cory Aquino kaya nagdesisyon siyang bitawan ang kaso, pero binigyang-diin pa ni Chavez na ang kanyang maagang pagbabago ay wala namang kinalaman sa pagiging dating Solgen niya kay Cory.
Marami na umanong problema si Cory para masaktan pa sa pag-abot ng usapin sa korte kaya makabubuting pabayaan na niya ito dahil isang napakabuti at respetadong tao ang dating lady president.
Sa halip, pinayuhan na lamang ni Chavez si Joey na makipag-ayos kay Kris. (Ulat ni Ludy Bermudo)