Isyu sa legalidad ng pagka-pangulo ni GMA tapos na

Ibinasura lahat ng Supreme Court ang mga petition ng kampo ni dating Pangulong Estrada kaugnay sa pagkuwestiyon nito sa legalidad ng Arroyo administration.

Sa siyam na pahinang resolution na ipinalabas ng SC, sinabi nito na matagal nang nadesisyunan ang legalidad ng pagkapangulo ni Pangulong Arroyo kung kaya hindi na tama para kay Atty. Allan Paguia na patuloy nitong kuwestiyunin ang nasabing issue.

Binanggit pa rin ng SC na sa ginagawa ni Paguia ay binigyan nito ng indikasyon ang publiko na mawalan ng tiwala sa hudikatura dahil sa patuloy nitong pagkuwestiyon sa legalidad ng kasalukuyang gobyerno.

Binigyan din ng SC ng 10 araw si Paguia upang magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat mabigyan ng parusa ng SC sa kabila ng kakulitan nito at pagbibigay ng hindi magandang indikasyon sa publiko.

Magugunita na una nang binalaan noon ng SC si Paguia na papatawan ng parusa kapag hindi tumigil sa pagkukuwestiyon at pangungulit nito sa mga mahistrado ng SC hinggil sa nabanggit na issue.

Si Paguia ay nagsumite ng kanyang petition sa SC kung saan hiniling din nito na ibasura ng SC ang kasong plunder na kinakaharap ni Estrada at ang nasabing kaso ay alisin na sa hurisdiksyon ng Sandiganbayan.

Nais pa rin ni Paguia na mag-inhibit ang lahat ng mga mahistrado ng SC sa pagdinig sa kanyang petition.

Una na din hiniling ng kampo ni Estrada sa Kongreso na isailalim sa impeachment proceedings ang mga mahistrado ng SC dahil sa illegal na pinaupo ng mga ito si GMA bilang presidente ng abandonahin ng dating pangulo ang Malacañang. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments