DPWH official bagsak sa lifestyle check

Isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sinuspinde kahapon ng Office of the Ombudsman matapos itong bumagsak sa isinagawang lifestyle check.

Anim na buwang suspindido at hindi makakatanggap ng suweldo si DPWH Region 3 director Romeo Panganiban at inatasan din ito ng Ombudsman na maghain ng kanyang counter-affidavit kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon dahil sa reklamong dishonesty at grave misconduct.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group, hindi idineklara ni Panganiban ang kanyang mga personal at real properties na nagkakahalaga ng P81.2 milyon.

Umabot lamang sa P12.9 milyon ang idineklara nitong ari-arian.

Kabilang sa mga properties na hindi umano idineklara ni Panganiban ang kanyang bahay sa Skay Grand Villas, Batong Malake, Los Baños, Laguna; isang commercial four-storey building sa Regidor st., Sta. Cruz, Laguna; isang residential house sa San Bartolome, Ayala Alabang Village, Muntinlupa; bahay sa Heritage Drive, Pasadena, Los Angeles, California, USA; isang sabungan sa Bubukal, Sta. Cruz, Laguna at isang bahay sa Bgy. Callos, Sta. Cruz, Laguna.

Sa nakalipas na limang taon, naglakbay din umano ito ng walong beses sa labas ng bansa kasama ang kanyang asawang si Fe. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments