Ayon kay SC Chief Justice Hilario Davide sa kanyang isinagawang speech sa awarding ng mga empleyado sa hudikatura, hindi sakop ng kautusan na lifestyle check ni Pangulong Arroyo ang mga empleyado sa hudikatura dahil itoy itinuturing na independent.
Tanging ang mga empleyado lamang sa ilalim ng sangay ng ehekutibo ang siyang isasailalim sa lifestyle at morality checks.
Binanggit pa rin ni Davide na matagal ng umiral ang lifestyle check sa loob ng kanilang sangay sa pamamagitan ng Cannon on Judicial Conduct na kaparehas din sa nasabing kautusan ni GMA.
Ipinaliwanag ng punong mahistrado na ang Office of the Court Administrator ang siyang nagsasagawa sa lahat ng reklamong isinasampa laban sa mga opisyal at kawani ng hudikatura kung saan nagreresulta sa pagkakasibak ng maraming hukom at kawani nito.
Kasabay nito, binatikos din ni Davide ang patuloy na pakikialam ni US District Court of Hawaii Judge Manuel Real hinggil sa $683M escrow account ng pamilya Marcos.
Sinabi nito na dapat lamang na galangin at irespeto ni Real ang soberenya at desisyon ng Supreme Court sa bansa dahil ito ang tanging may karapatan na magpatupad ng nasabing desisyon kaugnay sa naturang pondo.
Magugunita na nagpalabas si Real ng kautusan kung saan sinabi nito na hindi dapat pakialaman ng gobyerno ang naturang pondo, bagkus ay dapat itong ibalik sa mga Marcos.
Binalaan pa ni Real ang SC na kung hindi susunod sa kanyang ipinalabas na kautusan ay maaaring sampahan ng kasong obstruction of justice. (Ulat ni Grace dela Cruz)