Ibinulgar kahapon ni Atorni Jesus Santos na mahigit sa P24.75-M sa kasalukuyang palitan ng piso sa dolyar ang nakuhang ipadala ng ngayoy senador ng bayan, sa bank account ng asawa nito sa Amerika habang kasagsagan ng impeachment complaint laban sa dating pangulo.
Sa dokumentong ibinigay ng US Attorneys Office, lumitaw na nasa isang sangay ng Philippine Commercial and Industrial Bank sa BF-Aguirre ang maybahay ni Lacson na si Alice de Perio Lacson upang magpadala ng US$100,000 sa sangay ng Bank of America sa California noong Nobyembre 13, 2000.
Ayon kay Santos, napunta ang nasabing halaga sa account number 2430101390 na pag-aari umano mismo ng asawa ni Lacson.
"Alam ba ni Erap ito?" patutsadang tanong ni Santos, abugado at tagapagsalita ni First Gentleman Mike Arroyo matapos na makita ang mga detalyadong ulat hinggil sa umanoy itinagong kayamanan ni Lacson sa Amerika.
Idinagdag pa ni Santos na matapos ang dalawang araw, isang nagngangalang Teresita Go, kaibigan umano ng pamilyang Lacson, ang nagdeposito naman ng US$50,000 para sa account ni Ginang Lacson sa Amerika sa sangay ng Hongkong Shanghai Banking Corp sa Makati.
"Makalipas ang 12 araw o noong Nobyembre 27, 2000 panibagong US$150,000 naman ang idineposito muli sa account ni Ginang Lacson sa Bank of America," pahayag pa ni Santos sa mga dokumentong pinirmahan ni commissoner Miles Erlich, assistant US attorney sa Northern District ng California.
Idinagdag pa ng batikang trial lawyer na isang araw matapos ang kapaskuhan ng taong 2000, muling nagdeposito si Mrs. Lacson ng US$145,000 sa kanyang account sa Bank of America.
"Sa kabuuan, mahigit sa P24.75M ang naideposito sa account ni Ginang Lacson sa Amerika sa loob lamang ng anim na linggo, habang si Ginoong Estrada ay nakasadlak sa kanyang problemang mapatalsik sa puwesto. Alam kaya ni Erap ito?" wika pa ni Santos.
Isa lamang anya ito sa anim na bank account ng mag-asawang Lacson.