Camacho binira ng mga senador sa planong mangutang na naman

Kinontra nina Sen. Tessie Aquino-Oreta at Sen. Ramon Magsaysay Jr. ang planong pangungutang ni Finance Secretary Jose Isidro Camacho na ayon na rin sa kanila ay lalong magsasadlak sa ekonomiya bunsod upang hindi matuloy ang eleksyon sa 2004.

Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi nina Sen. Magsaysay at Sen. Oreta, na malaki ang posibilidad na hindi matuloy ang eleksyon dahil na rin sa dami ng utang ng bansa.

Anila ang planong "pre-fund" ni Camacho ay taliwas sa mga pahayag nito na malaki ang pag-unlad ng bansa sa larangan ng pangongolekta ng buwis.

Aniya, ito rin ang dahilan kung bakit babalik ang gobyerno sa foreign bond para makumpleto ang US$225M kulang sa pre-fund na US$500M na matatapos sa susunod na taon.

Ayon pa kay Oreta, ang dapat na gawin ni Camacho ay umisip ng ibang paraan para mapunan ang mga utang ng bansa sa halip na ang walang humpay niyang pangungutang.

Nauna ng inihayag ng Economist magazine na 28% ng Philippine national budget ay mapupunta sa pagbayad ng interest, 34% sa suweldo, 18% sa local government, 20% na lang ang mapupunta sa Gross Domestic Products (GDP) at iba pang proyekto.

Nanawagan din si Magsaysay na dapat makiisa ang bansa sa kahilingan ng ibang gobyerno na huwag sumama sa bagong taripa sa World Trade Organization (WTO).

Aniya, bigo ang WTO sa pagpapatupad ng kanilang programa kahit na ito ay masusing sinusundan ng ating bansa at iba pang bansa na kasama sa WTO.

Bumagsak ang pag-uusap ng WTO sa Mexico matapos na hindi pumayag ang nakakaraming bansang mahihirap sa kahilingan ng mga imperyalistang bansa. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments