Ito ay matapos maghain ng Senate bill 2654 si Senate Majority Leader Loren Legarda upang lalong palakasin ang Anti-Graft and Corruption Practices Act.
Sa ilalim ng panukala ni Sen. Legarda, ipagbabawal na sa mga asawa, kaanak hanggang sa 1st civil degree of affinity at consanguinity ng mga senador, kongresista at miyembro ng gabinete sa anumang negosyo o kontrata sa pamahalaan.
Ayon kay Legarda, sa kasalukuyan ay ang mga asawa at kaanak lamang sa 3rd degree of affinity at consanguinity ng presidente, bise presidente, senate president at house speaker ang pinagbabawalang makipag-negosyo at pumasok sa kontrata sa gobyerno.
Aniya, sa pamamagitan ng panukalang ito ay hindi na magagamit ng mga kaanak ang mga opisyal ng gobyerno na may sensitibong posisyon upang makakuha ng kontrata at negosyo sa pamahalaan. (Ulat ni Rudy Andal)