Sa isinagawang pulong kahapon sa Mandarin Hotel na tumagal ng halos isang oras, nagkaisa ng desisyon sina Sen. Joker Arroyo, chairman ng Senate Blue Ribbon committee; Sen. Edgardo Angara, chairman ng committee on constitutional amendments, revisions of codes ang Laws Electoral Reforms, at si Sen. Serge Osmeña III, ng committee on banks, financial institutions and currencies at si Sen. Aquilino Pimentel.
Hindi naman naresolba ang katanungan hinggil sa "Right to Privacy" na ginamit ni Ignacio Arroyo sa mga naging katanungan ng mga senador at nagkasundo sila na pag-usapan ito ng lahat ng miyembro ng tatlong komite.
Sa naturang pulong, pwedeng magdesisyon si Sen. Arroyo hinggil sa "Right to Privacy" pero pwede itong kuwestiyunin ng mga miyembro ng 3 komite.
Nauna ng hiniling ni Barbers sa komite na tigilan na ang imbestigasyon dahil walang orihinal na dokumentong isinumite si Lacson na siyang nag-akusa kay First Gentleman Jose Miguel Arroyo na nagtatago sa katauhan ni Jose Pidal.
Inako ni Ignacio ang account ni Jose Pidal, pero nabigo ang mga senador na pigain ito sa naunang pagdinig dahil na rin sa isyu ng "Right to Privacy."
Walang itinakdang araw ang 3 komite kung kailan nila tatalakayin ang "right to privacy" at kung hanggang saan lamang ito puwedeng gamitin ni Iggy o First Gentleman sa sandaling magpatuloy ang imbestigasyon sa Pidal.
Samantala, nakahandang maghain naman ng reklamo sa senate committee on ethics si FG Arroyo sa pamamagitan ng kanyang abugado na si Atty. Jesus Santos laban kay Sen. Panfilo Lacson dahil sa ginawa nitong mga akusasyon sa Unang Ginoo bilang Jose Pidal gayung inamin ni Iggy na siya ang tunay na Jose Pidal.
Naunang naghain ng reklamo sa ethics na pinamumunuan ni Sen. Francis Pangilinan si PCSO chair Honey Girl de Leon dahil sa pagbibintang na nagbigay ang nasabing ahensiya ng P1.3 milyon sa Pidal account gayung ang sinasabing tseke ni Lacson ay natuklasang mga patama sa lotto na nagkakahalaga lamang ng P25,000 at hindi P1.3 milyon. (Ulat ni Rudy Andal)