Alinsunod sa 21-pahinang desisyon ng Supreme Court en banc sa panulat ni Chief Justice Hilario Davide Jr., iniligtas nito mula sa parusang kamatayan ang magkakapatid na sina Lorenzo at Rudy Hugo, pawang mga residente ng Barangay Narra, San Miguel, Pangasinan.
Iniutos rin ni Davide ang kagyat na pagpapalaya sa dalawa habang ang kanilang kapatid na si Ernesto Hugo ay mananatiling nakabilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP).
Binago at ibinaba lamang ng mataas na hukuman sa habambuhay na pagkabilanggo ang parusang bitay laban kay Ernesto na ipinataw ng Urdaneta, Pangasinan Regional Trial Court branch 46.
Bukod sa life sentence ay magbabayad din si Ernesto ng kabuuang halaga na P80,678 sa mga naulila ng biktima.
Nakasaad sa desisyon ng korte na si Ernesto lamang ang nakita ng testigo na walang awang tumaga sa biktimang si Remigio Talon ng Urdaneta, Pangasinan dakong alas-7 ng gabi noong Agosto 21, 1997.
Ipinaliwanag din ni Davide na nagkaroon ng pagkukulang ang Pangasinan RTC matapos na hindi pag-ukulan ng sapat na pansin ang isiniwalat na testimonya ng pangunahing testigo sa naganap na krimen na si Joel Talon, pinsan ng biktima.
Kinatigan din ng SC ang iginigiit ng testigo na walang kinalaman ang dalawang akusado o inosente sa naganap na karumal-dumal na krimen ng pagpatay dahil tanging si Ernesto lamang umano ang nakita niyang tumaga sa biktima na siyang kagyat nitong ikinamatay.
Idinagdag pa ang pagtukoy ng SC sa kabiguan sa panig ng prosekusyon na patunayang nagsabwatan ang tatlong magkakapatid upang paslangin si Talon. (Ulat ni Grace dela Cruz)