Evidence sa Pidal ilantad na !

Hinamon kahapon ni dating Congressman Sergio Apostol si Senador Panfilo Lacson na magpakalalaki sa paglalabas ng mga dokumento kaugnay ng kontrobersiyal na Jose Pidal account.

"Walang nilabag na batas sina First Gentleman Mike Arroyo at Ignacio Arroyo kaugnay ng Jose Pidal account, alam yan ni Lacson," ani Apostol na naging taga-usig sa impeachment trial ng napatalsik na pangulong Joseph Estrada.

Malinaw na ang mga transaksiyon kaugnay ng Jose Pidal account ay pribado sa pagitan ng mga pribadong indibidwal kaya wala umanong kasalanan dito si Iggy kung siya ang may-ari ng nasabing account.

Ayon kay Apostol, kung may masisilip na sumablay dito, ‘yung mga indibidwal na hindi idineklara ang kanilang kontribusyon sa kaninumang pulitiko.

Nilinaw ni Apostol na naganap ang kontribusyon bago maluklok sa Malacañang si Pangulong Arroyo kaya kakatwang pilit isinasangkot ang Jose Pidal account sa kanyang pagiging Pangulo.

"Hindi ba naisip ni Lacson na pati ang pamilya ng Pangulo ay nagdurusa ngayon sa kanyang mga alegasyon na hindi naman niya kayang patunayan sa korte? Kung talagang lalaki siya, maglalabas siya ng matitibay na ebidensiya at hindi puro salita lang," ani Apostol.

Sinabi pa ni Apostol na hindi niya kayang patunayan ni Lacson ang kanyang mga akusasyon kaya ginagamit niya ang kanyang parliamentary immunity.

Kaugnay nito, sinabi ng kilalang election lawyer Romulo Makalintal na halatang-halata na namumulitika lamang si Lacson dahil hindi makakatayo sa korte ang kanyang mga akusasyon kaugnay ng Pidal account.

"Ang lahat ng ibinunyag ni Lacson ay hindi para sa interes ng publiko. Nagkanlong siya sa kanyang parliamentary immunity dahil ang lahat ng ito ay para sa kanyang mga interes na pampulitika," ani Makalintal. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments