Dalawampung mambabatas lamang mula sa 64 na miyembro ng House committee on justice ang dumalo sa pagdinig kaya hindi naging pinal ang ginawang botohan kung saan 13 ang nagsabing "sufficient in form" ang reklamo, apat ang nagsabing hindi at dalawa ang nag-abstain.
Dahil dito, nagdesisyon ang panel sa pamumuno ni Eastern Samar Rep. Marcelino Libanan na magsagawa ng referendum sa Oktubre 7 upang maging pinal ang botohan.
Ayon sa oposisyon na nag-endorso sa reklamo, ang naging resulta ng botohan ay nagpapakita na lulusot sa komite ang impeachment complaint laban sa mga mahistrado.
Kabilang sa mga inireklamo sina Chief Justice Hilario Davide, Jose Vitug, Artemio Panganiban, Jose Bellosillo, Reynato Puno, Leonardo Quisumbing, Antonio Carpio at Renato Corona.
Nakasaad sa reklamo na nilabag ng mga justices ang Konstitusyon nang makipagsabwatan umano ang mga ito sa pagpapatalsik kay Estrada at pagluklok sa puwesto kay Pangulong Arroyo.
Ayon naman kay Justice Secretary Simeon Datumanong, hindi magtatagumpay ang impeachment complaint laban sa mga mahistrado.
Ipinaliwanag ng kalihim na hindi dapat maging kumpiyansa ang kampo ni Estrada dahil hanggang sa ngayon ang tanging pinagbobotohan ng mga kongresista ay ang impeachment form pa lamang at hindi ang nilalaman nito.
Hindi naman nababahala ang Malacañang sa pag-usad ng complaint laban sa mga mahistrado.
Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, panggugulo lamang ang nasabing impeachment at posibleng magkaroon ng constitutional crisis kung ipagpapatuloy.
Ayon dito, naresolba na ang usapin sa legalidad ng pag-upo ng Pangulo. (Ulat nina Malou Rongalerios/Grace dela Cuz/Ely Saludar)