^

Bansa

Ping binira ng 2 bangko

-
Binanatan at tinawag na sinungaling kahapon ng dalawang bangko si Senador Panfilo Lacson dahil sa mga ipinahayag nito sa kanyang pangalawang privilege speech sa Senado na may nakatagong deposito sina Jose Pidal at Vicky Toh.

Sa inilabas na sertipikasyon ng Union Bank of the Philippines, sinabi ni Executive Vice President Teodoro Panganiban na walang account na binuksan sa anumang sangay ng kanilang bangko sa pangalang Jose Pidal o Victoria "Vicky" Toh.

"Batay sa aming beripikasyon, ipinaabot namin sa iyo na walang binuksan na account sa pangalang Jose Pidal o maging Victoria Toh sa anumang sangay ng aming bangko," ayon sa bahagi ng sulat ni Panganiban kay Atty. Gelacio Mamaril, abogado nina Vicky Toh, Thomas Toh at Kelvin Tan.

Magugunita na ipinagmayabang ni Lacson na pag-aari umano nina Jose Pidal at Vicky Toh ang isang bank account sa Union Bank na may numerong 0073-001918 at may balanseng P23,596,392.

Sa panig naman ng Banco de Oro, sinabi ni President Nelson Tan na walang account number 00218008731 na may balanseng P19,531,000 sa pangalang Victoria "Vicky" toh.

"Aming pinagtitibay na batay sa aming mga datos at dokumento, at sa aming kakayahan, walang buhay na deposito mula sa nasabing pangalan," sagot ni Tan sa liham ni Toh sa nasabing bangko na may petsang Setyembre 2, 2003 o isang araw matapos ibulgar ni Lacson sa kanyang ikalawang privilege speech na pagmamay-ari umano ni Toh ang nasabing account.

Ayon pa kay Mamaril, tinanggal ng kanyang mga kliyente ang kanilang karapatan sa ilalim ng Bank Secrecy Law at sinulatan ang mga bangko upang kunin ang kanilang opisyal na pahayag kaugnay sa mga maling akusasyon ni Lacson laban sa kanyang mga kliyente.

Samantala, haharap ngayon sa Senate Blue Ribbon Committee ang umaakong siya si Jose Pidal na si Ignacio Arroyo at 17 iba pang testigo sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado hinggil sa mga ibinunyag ni Lacson na tagong account ni First Gentlemen Mike Arroyo.

Ayon kay Sen. Joker Arroyo, Chairman ng naturang komite na inaasahang dadalo sa pagdinig ang nakababatang kapatid ng First Gentleman na si Iggy.

Nasa labas ng bansa ngayon si Lacson kaya ang tagapagsalita niyang si Lito Banayo ang haharap sa Senado para sa kanya.

Kaugnay nito, pinabulaanan kahapon ng Malacañang na nakipagsabwatan ito sa mga Senador na kaalyado ng administrasyon upang ipatigil ang imbestigasyon at tuluyang maisara na ang isyu sa Jose Pidal na nagdawit sa pangalan ng First Gentleman.

Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, walang pakialam ang Malacañang kung gustong ituloy o itigil ang imbestigasyon ng Senado sa isyung Jose Pidal. (Ulat nina Rudy Andal at Ely Saludar)

AYON

BANK SECRECY LAW

FIRST GENTLEMAN

JOSE PIDAL

LACSON

SENADO

TOH

VICKY TOH

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with