Pinadalhan ng subpoena si Ignacio Arroyo matapos itong umamin na siya si Jose Pidal at siyang nagmamay-ari ng milyun-milyong account sa Union bank at BPI bank sa Perea st., Legaspi village, Makati City.
Inaasahang dadalo sa kauna-unahang pagdinig ng senado si FG Mike Arroyo, Kelvin Tan, Thomas Toh Jr., Victoria Toh at star witness ni Sen. Lacson na si Eugenio Mahusay Jr.
Sinabi ni Lacson na sa sandaling bumaligtad si Mahusay sa kanyang nilagdaang affidavit kung saan ay inakusahan niya ang kanyang ninong na si FG Arroyo na nagmamay-ari ng milyun-milyong account sa ilalim ng Jose Pidal ay kakasuhan niya ito ng "perjury."
Ang iba pang inaasahang dadalo sa senate inquiry ay ang mga branch managers ng BPI, Union bank at International Exchange bank na pawang nasa Perea st.; ang presidente ng Lualhati Foundation, president ng Kaibigan ni GMA Foundation; Tony Labrador; Ernesto Pineda ng Union bank; BIR chief Guillermo Parayno; NSO Administrator Carmelita Ericta; Atty. Vicente Aquino ng AMLA; Erwin Lapuz at Ferdinand Galvez ng Union bank.
Magugunita na inakusahan ni Lacson sa isang privilege speech na si Jose Pidal at FG Arroyo ay iisang tao batay sa ginawang affidavit ni Mahusay na nagsilbing messenger sa Unang Ginoo sa 8th floor ng LTA bldg., Perea st.
Isang araw matapos lumantad si Mahusay sa media sa pamamagitan ni Lacson ay biglang "nirescue" ito ng kanyang mga kapatid at maybahay kasama ni HUDCC Chairman Mike Defensor sa safehouse nito sa Milestone hotel sa Tagaytay City. (Ulat ni Rudy Andal)