Ayon kay Santos, tumatayong abugado ni Ginoong Arroyo sa mga kasong libelo laban kina Sen. Lacson, Cavite Rep. Gilbert Remulla at spokesman Lito Banayo, buko na ang mga umanoy pagsisinungaling ng senador matapos na lumabas ang tunay na Jose Pidal noong Huwebes ng gabi sa isang telebisyon.
Sinabi ni Santos na ang nakatakdang paglitaw ni Pidal sa publiko sa mga susunod na araw ang magbibigay-wakas sa mga maling alegasyon na ipinakalat ni Lacson sa loob at labas ng bulwagan ng Senado at magsisilang sa katotohanan na magkahiwalay na personahe sina Arroyo at Pidal.
Bukod dito, naniniwala rin si Santos na pagkamuhi ng taumbayan ang mararanasan ni Lacson matapos magdulot ng pagkawala nang bilyun-bilyong piso sa ekonomiya ang kanyang mga maling paratang.
"Winasak niya ang takbo ng ekonomiya ng bansa. Dahil sa kanyang maling paratang, ilang milyong trabaho ang nawala dahil naging bahag ang buntot ng mga negosyante na mamuhunan sa bansa," paniniwala pa ni Santos.