Sa decisison ng SC sa panulat ni Justice Consuelo Ynares Santiago, kinatigan nito ang unang rekomendasyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na masuspinde ng isang taon mula sa kanyang serbisyo si Atty. Rizalino Simbillo.
Batay sa rekord ng korte, si Simbillo ay sinampahan ng kasong paglabag sa Code of Professional Responsibility at Rules of Court ni Public Information Office chief Atty. Ismael Khan matapos na mapatunayan na nagbibigay ito ng maling advertisement at maling pagbibigay ng legal na payo.
Ang kaso ay nag-ugat matapos na mabasa ng ilang empleyado ng SC ang advertisement ni Simbillo sa isang malaking pahayagan kung saan nakasaad ang "Annulment of Marriage specialist."
Nakalagay din sa nasabing ads na sa loob ng apat hanggang anim na buwan ay mapapawalang-bisa nito ang kasal ng sinuman kliyenteng hihingi ng kanyang serbisyo kapalit ng P48,000.
Isinumbong ni Khan ang nasabing practice ni Simbillo sa IBP kaya inirekomenda naman nito sa SC na isuspinde ang nasabing abogado.
Ikinatuwiran ng SC na bagamat legal ang pagpapalagay ng sino mang abogado ng kanilang ads sa pahayagan ay kinakailangan na maging disente pa rin ang dating nito sa mga makakabasa at hindi rin dapat mabahiran ng ano mang katiwalian ang propesyon bilang kinatawan ng korte.
Hindi maaaring maipatupad ni Simbilo ang kanyang propesyon bilang abogado sa loob ng isang taon. (Ulat ni Grace dela Cruz)