Naniniwala ang dalawang alkalde na isang pamamaraan lamang ng Comelec ang pagbabawal sa mga bagong saltang squatters sa kalunsuran na makapagparehistro upang higit na mapagtagumpayan ang screening ng mga magsisiboto sa isang taon.
Maliwanag ang sinasaad sa reglamento ng Comelec na mga bagong salta lamang at residenteng wala pang anim na buwang naninirahan sa lungsod ang pinagbabawalan na makapagparehistro. Masyado aniyang pinalaki ng ilang mga mayor ang issue at pinalitaw na sinisikil ng Comelec ang karapatan ng mga squatters na makaboto.
"Lahat ay tinatrato ng pantay-pantay ng Comelec, kahit na sino ka pa at kahit na hindi ka squatter kung hindi mo mapapatunayan na nanirahan ka na ng anim na buwan sa lungsod ay hindi ka papayagan. Trabaho lang," sabi ni Fresnedi.
Ayon naman kay Tinga, isang mabisang pamamaraan din ito upang mahadlangan ang mga professional squatters na gawing legal ang kanilang pamamalagi sa lungsod kung saan ang mga benipisyo na ukol sa mga lehitimong residente ay puwede pang maagaw, bukod pa sa paggamit sa kanila bilang instrumento ng pandaraya. Sa halip na isiksik ng mga bagong saltang squatters ang kanilang sarili sa lungsod ay maaari na lamang silang bumalik sa kani-kanilang mga lalawigan at doon magparehistro. (Ulat nina Lordeth Bonilla/Ludy Bermudo)