Ebdane, Lina inabsuwelto sa Al-Ghozi escape

Lusot sina PNP Chief Director General Hermogenes Ebdane at DILG Secretary Joey Lina kaugnay ng kontrobersiyal na pagkakatakas ng teroristang si Fathur Rhoman Al-Ghozi.

Sa isinumiteng report sa Pangulo ng 3-man commission na pinamunuan ni dating Justice Secretary Sedfrey Ordonez, sinabi nito na walang sabwatan o no collusion sa panig ng mga opisyal ng PNP hinggil sa pagkakatakas ni Al-Ghozi at dalawa pang miyembro ng kilabot na Abu Sayyaf na sina Abdulmukin Edris at Meras Abante.

Ayon kay Ordonez, lumitaw sa imbestigasyon ng komisyon na nagkaroon lamang ng kapabayaan sa pagkakatakas ni Al-Ghozi.

Bukod dito ay lubhang palpak ang disenyo ng bilangguan dahil malayang nakalabas ng kulungan sina Al-Ghozi at nakapagpalit pa ng damit.

Samantala, tanging pinakakasuhan lamang ng komisyon dahil sa kapabayaan ay ang ilang opisyal at tauhan ng Intelligence Group (IG) ng PNP na kinabibilangan nina P/Supt. Guillermo Danipog; P/Supt. Carlito Natanauan; P/Supt. Reuben Galban, P/Insp. James Dime; SPO3 Ruperto Principe Jr.; SPO3 Buenegardon Campo at PO1 Ronal Palmares.

Pinasasampahan din ng kasong kriminal sina Cusain Ramos alyas Abi Ali, Mark Gumbahale alyas Abu Tagalog, Amor Lilagan dahil sa pagtulong sa pagkatas ng tatlong terorista.

Kabilang din sa rekomendasyon ng komisyon na bigatan ng Kongreso ang pataw na parusa sa mga nagpapabayang opisyal sa mga bilanggong nakatakas at ang detention centers sa loob ng Camp Crame ay marapat na pagsamahin sa iisang lugar at baguhin ang disenyo nito.

Kasabay nito, sinisi rin ng Ordonez Commission ang ilang tauhan ng IG dahil hindi agad naitimbre sa iba pang matataas na opisyal at sa Malacañang ang pagtakas ni Al-Ghozi na dapat ay maaring agad na naaksiyunan ng mga awtoridad. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments