Ayon kay Rommel Javier, secretary ni Ginoong Arroyo, walang katotohanan ang pahayag ni Lacson na siya ay nawawala matapos umanong mabunyag na siya ang isa pa sa mga testigo ng senador.
"Hindi po ako nawawala. Dito pa rin po ako nagtatrabaho sa LTA bilang secretary ni Ginoong Arroyo," ani Javier.
Pinasinungalingan din ni Javier na nagbibigay siya kay Lacson ng mga dokumento dahil hindi pa niya ito nakikilala ng personal.
"Hindi ko pa po nakikita o nakikilala si Senador Lacson ng personal," dagdag ni Javier.
Bukod kay Javier, kinondena rin ng ibang empleyado ng LTA ang pahayag ni Lito Banayo, spokesman ni Sen. Lacson, na pinilit sila ni Mr. Arroyo na magpahayag ng suporta para dito.
"Hindi po kami pinilit o tinakot. Kusang loob po kaming nagpapahayag na ang mga akusasyon laban kay Ginoong Arroyo ay pawang kasinungalingan," ani Javier.
Labis din nilang ikinatuwa ang balitang si Eugenio "Udong" Mahusay ay nasa pangangalaga ng kanyang pamilya.
"Kilala namin si Udong. Alam namin na napilitan lamang siyang magsabi ng mga bagay laban kay Ginoong Arroyo. Sana ay maayos na lahat ito at sabihin ni Udong ang buong katotohanan," sabi pa ni Javier kasama ang iba pang empleyado ng LTA.