Lahat ng licensing center at Division Office ng LTO ay nalagyan na ng Automated Drivers Licence Examination System (ADLES) upang matiyak na ang may mga alam lamang sa pagmamaneho ang makakapasa.
Ang ADLES ay isang sistema na bahagi ng LTO-Information Technology Project na pinatutupad ng Stradom Corporation.
Kapag natapos ang pagkuha ng pagsusulit ay ilalagay ang answer sheet sa isang scanner na babasahin ng Optical Mark Reader Software at agad na malalaman ang resulta nito.
Ayon sa LTO, para sa kukuha ng non-professional drivers license ay 40 katanungan ang ibibigay at kailangang 30 ang maitama ng aplikante sa multiple choice exam.
Sa professional license, kailangang makakuha ng 45 na tamang sagot mula sa 60 katanungan. Labing-walo naman sa 25 katanungan ang kailangang makuha para sa mga kumukuha ng conductors permit.
Ang babagsak sa pagsusulit ay maaaring kumuha muli ng exam matapos ang isang buwan mula ng ito ay bumagsak. (Ulat ni Edwin Balasa)