Bukod kay Bernardo, nagbitiw dina sina deputy commissioners George Jereos, Gil Valera, Ray Allas at Alexander Arevalo.
Ang mass resignation ay ginawa nina Bernardo bilang simpatiya sa mga nagreklamong opisyal at tauhan ng kawanihan na ipinaiilalim sila sa trial by publicity ng transparency group sa kaagad ay paglalathala ng kanilang pangalan sa mga milyonaryong kawani ng gobyerno gayong maliit lang ang kanilang sahod sa bureau.
Inireklamo nila na hindi pa naririnig ang kanilang depensa kung may batayan nga ang akusasyon ng transparency group at hindi pa naman sila nasasampahan ng kaso.
Hindi naman tinanggap ni Pangulong Arroyo ang pagbibitiw na inihain ni Bernardo at apat nitong mga deputy. Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, makikipagpulong ang Pangulo kay Bernardo at sa iba pang matataas na opisyal ng BoC sa sandaling dumating ang Presidente mula sa kanyang pagbisita sa Baguio city.
Sinabi rin ni Bunye na tiniyak ng Pangulo sa mga nagtatampong opisyal ng Customs na bibigyan niya ng pagkakataon ang lahat ng napublikang mga opisyal at tauhan ng BoC na maipagtanggol ang sarili kaugnay ng lifestyle check na ginagawa ng transparency group ng Pangulo. (Ulat nina Butch Quejada/Lilia Tolentino)