Sa testimonya ni Sgt. Manuelito Dagdag ng Charlie Company ng Phil. Army na nakabase sa Montalban, Rizal, sinabi nito na sumunod lamang sila sa utos ng kanilang commander na si 1st Lt. Sonny Sarmiento.
Wala umano silang ideya na pupunta sila sa Oakwood at magsasagawa ng kudeta. Pinaniwala umano sila na mayroong operasyon dahil dalawang araw bago ang mutiny ay sinabi sa kanila ng kanilang commanding officer na maghanda dahil sa kanilang napipintong dalawang araw na strike operation sa pagitan ng Pitong Bocaue at Wawa, Bulacan.
Nagdala pa umano sila ng ng mga kaldero para sa operasyon.
Ayon kay Dagdag, ginising sila ng alas-2 ng madaling araw upang maghanda sa operasyon noong Hulyo 27 kung saan dalawang mini-bus ang kanilang sinakyan. Isang red armband umano ang ipinasuot sa bawat sundalo habang tumatakbo na ang mini-bus. Nasorpresa na lamang umano sila nang dalhin sa Glorietta kung saan isinagawa ang mutiny. (Ulat ni Malou Rongalerios)