'Jose Pidal' accounts i-freeze - Ping

Hiniling kahapon ni Sen. Panfilo Lacson sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magpalabas ito ng freeze order hinggil sa mga bank accounts ni Jose Pidal a.k.a. First Gentleman Mike Arroyo at ang Toh triad sa 8th floor ng LTA building sa Perea Sr., Legaspi Village, Makati City.

Sinabi ni Sen. Lacson, nagpadala na siya ng request sa AMLC upang magpalabas ng freeze order laban sa mga bank accounts nina Pidal, Kelvin Tan, Victoria Toh at Thomas Toh Jr. kung saan nakadeposito ang mga questionable account umano ni Mike Arroyo mula sa kinalap nitong campaign funds na nakadeposito sa BPI bank, International Exchange Bank at Union Bank na pawang matatagpuan sa Perea st., Legaspi Village.

Ayon kay Lacson, nakahanda ang kanyang mga impormante na humarap sa senate inquiry na isasagawa ng blue ribbon committee, ways and means at committee on constitutional amendments and revision of laws and codes, sa susunod na linggo kaugnay ng kanyang privilege speech laban sa money laundering activities ni Mr. Arroyo na tinagurian niyang "incredible hulk."

Aniya, alam na alam ng kanyang mga impormante ang transaksiyong nagaganap sa 8th floor ng LTA building at kaya lumapit ito sa kanya ay dahil hindi na nito masikmura ang ginagawa ni Mr. Pidal pero ayaw niyang lumapit sa korte dahil walang mangyayari laban sa First Gentleman.

Napag-alaman naman ni Lacson na minsang mayroong naging miyembro ng senado sa pangalang Jose Maria Pidal Arroyo noong 1925 na lolo umano ni FG Arroyo at ito umano ang ginamit niyang alyas sa kanyang bank accounts.

Wika pa ng senador, kahit hindi public official si FG Arroyo ay lumalabag pa rin ito sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o RA 3019 partikular sa section 4 and 5 dahil nasasakop nito pati ang kaanak ng mga public officials hanggang 2nd degree partikular si Mr. Arroyo na mister ni Pangulong Arroyo.

Iginiit pa ni Lacson na hindi niya ginawa ang pagbubunyag na ito laban kay FG Arroyo dahil nais niyang "tabunan" ang committee report 237 (dating com report 66) na nagdidiin sa kanya sa money laundering, drug trafficking at kidnapping activities noong siya ay nasa PNP.

Aniya, nakahanda siyang makipagdebate sa nasabing committee report kung saan ay may pending motion siya kaugnay sa pagkuwestiyon sa nilalaman ng report dahil sa pagiging kuwestiyunable ng mga witness nito na si Mary Ong alyas Rosebud at Ador Mawanay.
Walang whitewash
Siniguro naman kahapon ni Senate President Franklin Drilon na walang magaganap na whitewash sa isasagawang imbestigasyon ng senado kaugnay sa naging alegasyon ni Sen. Lacson sa umano’y money laundering activities ni Mr. Arroyo.

Dapat anya itong maging transparent dahil ang nasasangkot ay hindi ordinaryong mamamayan kundi asawa ng presidente ng bansa.

Ayon kay House Assistant Minority Leader Gilbert Remulla, dapat siguraduhin ng AMLC na hindi mababawasan ang nasabing bank accounts na diumano’y bahagi ng money laundering operations ni First Gentleman Mike Arroyo hanggat hindi pa nasisimulan ang imbestigasyon.

Hindi aniya dapat balewalain ang mga naging pagbubunyag ni Lacson dahil napakalaking halaga ng salapi ang nasasangkot na posibleng ninakaw sa gobyerno.

Kinuwestiyon din ni Remulla ang mga opisyal ng Union Bank-Perea branch at iba pang bangko dahil sa kabiguan ng mga ito na iulat sa AMLC ang mga bank transactions ni Jose Pidal na diumano’y fictitious name ni Mr. Arroyo.

Sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act of 2001 ay dapat iulat sa AMLC ang alinmang kahina-hinalang bank transactions kung saan ang halaga ng deposits ay hindi bababa sa P500,000.(Ulat nina Rudy Andal at Malou Rongalerios)

Show comments